Ang Pamantasan ng Western Mindanao State University at Komisyon sa Wikang Filipino ay malaon nang nakaugat sa isang matatag na samahan. Kaya naman, noong ika-6 ng Oktubre taong kasalukuyan ay nagdalaw-pugay ang bagong tagapangulo ng KWF Atty. Marites B. Taran sa pangulo ng WMSU Dr. Ma. Carla A. Ochotorena upang personal na ipaabot ang kanyang taos- pusong pasasalamat sa mainit na pagtanggap at patuloy na pagsuporta at pakikipagtulungan sa Komisyon sa Wikang Filipino. Ang Western Mindanao State University ay isa sa mga nangungunang institusyon sa bansa na nagpapatupad sa mga adhikain at mandato ng KWF sa pamamagitan ng tanggapan ng Sentro ng Wika at Kultura -WMSU sa pagpapalaganap, pangangalaga at pagpapanatili ng mga katutubong wika at kultura ng Pilipinas. Kasama sa naganap na pagdalaw si Dr. Carmelita C. Abdurahman, full-time komisyoner para sa mga programa at proyekto ng KWF, naroon din sina Dr. Aubrey F. Reyes ang direktor ng Sentro ng Wika at Kultura, at Dr. Vilma L. Pahulaya, ang tagpangulo ng Departamento ng Filipino sa WMSU. Sa pamamagitan ng pagtatagpong ito napag-usapan ang lalo pang pagpapalakas at pagpapatibay ng ugnayan ng dalawang ahensiya at ang layunin na patuloy na pagtutulungan upang ipatupad ang magkatulad na mga hangarin at mithiing magsagawa, mag-ugnay, at magtaguyod ng mga gawain para sa pagpapaunlad, pagpapalaganap, at pangangalaga (preserbasyon) ng wikang Filipino at ng iba pang mga wika sa Pilipinas.





