WMSU, Katuwang sa Laban para sa Wika at Bayan

Ang Pampamahalaang Universidad ng Kanlurang Mindanao (WMSU) ay nagdaos ng pambungad na palatuntunan para sa selebrasyon ng Buwan ng Wikang Pambansa na may temang β€œPaglinang sa Filipino at Katutubong Wika: Makasaysayan sa Pagkakaisa ng Bansa”. Ito ay idinaos noong ikaapat (4) ng Agosto 2025 sa Dr. Juanito Bruno Gymnasium na may layuning isulong ang wikang Filipino sa kabataan para sa pagkakaisa ng bayan dala ang diwa ng bawat Pilipino.

Ayon kay WMSU pangulong Dr. Ma. Carla A. Ochotorena, layunin ng selebrasyon na ipagmalaki at ipakita ang yaman ng wikang Filipino. Aniya, mahalagang pagkakataon ito upang lalong mapalalim ang pagpapahalaga at pag-unawa sa sarili nating wika.

Dagdag pa niya, magandang paraan din ito upang mapalakas pa ang kamalayan ng kabataan sa kahalagahan ng wikang Filipino, pati na rin sa mga katutubong wika ng bansa. Para kay Dr. Ochotorena mahalagang papel ang ginagampanan ng wika hindi lamang sa komunikasyon kundi sa pagtataguyod ng pambansang pagkakaisa.

Binigyang-diin rin niya na ayon sa Komisyon ng Mas Mataas na Edukasyon (CHED) ang pagpapanatili ng wikang pambansa ay hindi lamang responsibilidad ng iisang sektor. Isa itong kolektibong pagkilos na nangangailangan ng sama-samang pagkilos ng pamahalaan, akademya, media, at ng mga lokal na komunidad.

Kasabay ng pagdiriwang ng Buwang ng Wika ay ang pagdiriwang din ng Buwan ng Kasaysayan na may temang β€œDiwa ng Kabilin sa Kabataan.” Ayon kay Michael Charleston β€œXiao” B. Chua, mahalaga ang Buwan ng Kasaysayan dahil nagsisilbi itong paalala sa kahalagahan ng pag-alala at pag-unawa sa ating nakaraan.

Makabuluhan ang buwan ng Agosto sapagkat maraming mahahalagang pangyayari sa kasaysayan ng bansa ang naganap sa buwang ito kabilang na ang kapanganakan at kamatayan ni dating Pangulong Manuel L. Quezon, at ang pagpanaw nina dating Pangulong Corazon Aquino at Ramon Magsaysay. Sa buwang ito rin ginugunita ang mga makasaysayang pag-aalsa ng bayan laban sa tatlong daang tatlumpu’t tatlong taon ng kolonyalismo.

Tunay ngang β€œang hindi marunong lumingon sa pinanggalingan ay hindi makararating sa paroroonan.” Sa pamamagitan ng kasaysayan, naipapasa natin ang diwa ng kabayanihan at pagmamahal sa bayan sa susunod na henerasyon.

Sa kanyang talumpati sa pagdiriwang ng Buwan ng Wikang Pambansa at Kasaysayan sa WMSU, binigyang-diin ni Konsehal Rey Bayona Bayoging ang kahalagahan ng wikang Filipino at mga katutubong wika bilang susi sa pagkakaisa at pagkakakilanlan ng bansa. Para sa kanya, ang temang β€œPaglinang sa Filipino at Katutubong Wika: Makasaysayan sa Pagkakaisa ng Bansa at Diwa ng Kasaysayan, Kabilin sa Kabataan” ay hindi lamang isang islogan kundi isang panawagan para sa pagmamahal sa bayan sa pamamagitan ng wika.

Nagpahayag rin siya ng taos-pusong pasasalamat at papuri sa Departamento ng Filipino ng WMSU, na kanyang tinawag na katuwang sa paghuhubog ng mga makabayang kabataan. Binigyang-pansin niya ang ambag ng mga OJT mula sa departamento, partikular si Bb. Krissa Faith Delos Santos, na ngayon ay bahagi na ng pamunuan ng EMEDIA bilang Executive Producer.

Bilang pagtatapos, nanawagan si konsihal Bayoging sa mga guro at mag-aaral na ipagmalaki ang pagka-Pilipino at patuloy na itaguyod ang wikang Filipino bilang pundasyon ng pagkakaisa at pambansang identidad.

Sa bawat salitang Filipino na ating ginagamit, sa bawat katutubong wikang ating pinahahalagahan, sana ay manatiling buhay ang apoy ng pagiging tunay na Pilipino. (Atty. MA Tamon-PAO)